1st 100 DAYS NG UNANG BABAENG ALKALDE NG MAYNILA

1st 100 DAYS NG UNANG BABAENG ALKALDE NG MAYNILA

October 14, 2022 @ 1:34 AM 2 months ago


HINDI na nakapagtataka kung sa loob lamang ng 100 araw sa kanyang panunungkulan ay napakarami nang naisakatuparan si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan programa na lahat ay para sa kapakinabangan ng mamamayan ng lungsod.

Paano ba naman kasi, noon pa mang nakaupo siya bilang bise-alkalde ng Maynila, katuwang na siya ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa pagsusulong ng mga napakagagandang programa at proyekto kaya ito na rin ang kanyang sinusundang yapak para mabilis na mapakinabangan ng mga taga-Maynila.

Pero siyempre hindi naman lahat ng kanyang mga nagawa sa loob lamang ng 100-araw ay bunga ng mga hindi natapos na programa at proyekto ng dating alkalde dahil mayroon pa siyang mga bagong ideya na kanyang naisakatuparan bilang isang punong-lungsod at bilang isang doktora.

Tulad na lamang nang iniutos niya sa kanyang unang araw ng panunungkulan na paglilinis ng kani-kanilang tanggapan sa mismong gusali ng Manila City Hall matapos niyang ikutin ang bawat opisina ng iba’t-ibang departamento at nakita ang mga basura at sagabal sa maraming pasilyo, kabilang ang mga nabubulok na silya, mesa at iba pang gamit.

Bagaman may programa na rin sila ni Yorme Isko na paglilinis o “clearing operation” sa mga lansangan na ginawa pang modelo ng Pambansang Pamahalaan matapos iutos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga lokal na pamahalaan sa buong bansa, maging mga lungsod at munisipalidad, ang mga opisyal naman ng barangay sa Maynila ang kinalampag ni Mayora para maglinis ng kanilang kapaligiran.

Ang isa pang kahanga-hanga na naisakatuparan ng alkalde ay ang inilunsad niyang “Kalinga sa Maynila, Pulong-Pulong sa Pagtulong” kung saan inilapit niya sa mamamayan ang city hall para dinggin ang kanilang mga karaingan at mabilis na matugunan dahil kasama niya sa pagtungo sa mga pinagdarausan ng programa ang mga pinuno ng iba’t-ibang departamento.

Pinahanga rin niya ang publiko, lalo na ang mga senior citizen na nakaratay sa banig ng karamdaman nang isagawa ang “Door-to-Door Doktora” kung saan pinagkakalooban niya ng libreng konsulta, gamot, bitamina at gatas ang mga dinadalaw na mga may-sakit sa iba’t ibang barangay sa Maynila sa tuwing idaraos ang Kalinga sa Maynila.

Bilang isang doktora kasi ay prayoridad niya ang pagtiyak sa kalusugan ng mga mamamayan na personal niyang naisasagawa at napapangasiwaan, sa tulong na rin ng Manila Health Department (MHD) na pinamumunuan ng kanyang kabiyak na si Dr. Arnold “Poks” Pangan.

Sabi nga ng alkalde, napakadali lamang ng transition period o pagsasalin ng kapangyarihan sa pagitan nila ni Yorme Isko dahil noon pa man ay ginawa na siyang partner ng dating alkalde kaya kabisadong-kabisado na niya ang mga isinulong na proyekto tulad ng pagtatayo ng vertical housing project, mga ospital at mga bagong gusali ng mga paaralan.

Pero kahit putong-puto na kay Lacuna na mapamunuan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila, hindi pa rin siya nauubusan ng enerhiya sa paghahanap pa ng mga programa at proyekto na matagal nang pakikinabangan ng mga Manilenyo.