2.1M bagong botante nagparehistro-Comelec

2.1M bagong botante nagparehistro-Comelec

July 22, 2022 @ 11:46 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections na umabot na sa mahigit 2.1 milyong bagong botante ang nakarehistro noong Hulyo 20.

Sa isang pahayag, iniulat ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco ang kabuuang 2,119,878 sign-ups hanggang sa ika-15 araw ng pagpapatuloy ng voter registration.

Aniya, hindi bababa sa 1,326,415 sa mga bagong rehistro ay nasa edad 15 hanggang 17, habang 680,497 na bagong rehistro ay 18 hanggang 30 taong gulang, at hindi bababa sa 112,966 na bagong rehistro ay nasa edad 31 pataas.

Ang panahon ng pagpaparehistro ng botante ay tatagal hanggang Hulyo 23, 2022.

“Siguro, bunsod na rin po ng successful May 9, 2022 national and local elections, napakataas po ng interes ng ating mga kababayan sa halalan,” ani Laudiangco.

Gayunpaman, maraming mambabatas ang naghahangad na ipagpaliban ang halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa Disyembre 5, 2022.

Ilang grupo, gayunpaman, ang nagpahayag ng kanilang pagtutol laban sa mga panukala.

“It is about time, kasi nasa batas na kailangang gawin. The Barangay and SK Elections dapat regular siya,” ani Paolo Maligaya ng NAMFREL.

“Kawawa naman yung mga barangay na hindi effective yung mga barangay at SK officials nila lalo na ngayong pandemic,” saad naman ni LENTE executive director Ona Caritos.

Sinabi naman ni Laudiangco na nakahanda na ang poll body para sa halalan anoman ang maging desisyon.

“Anuman pong paghahanda namin, kaya naman po naming ihanda muli kung kailan man po naisin ng Congress na ilipat ang ating eleksyon… basta mayroong batas,” giit pa niya.

Sakaling ipagpaliban ang halalan, ito ang magiging ikaapat na pagkakataon na ipinagpaliban ng Kongreso ang barangay at SK elections simula noong Oktubre 2016.

Ang barangay at SK polls noong Oktubre 2016 ay ipinagpaliban sa Oktubre 2017. Mula noon, ipinagpaliban ito sa Mayo 2018. Muli itong na-reset sa Mayo 2022. RNT