2.4M COVID-19 vaccine darating ngayong Marso -Galvez

2.4M COVID-19 vaccine darating ngayong Marso -Galvez

March 16, 2021 @ 6:37 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Siniguro ni National Task Force Against COVID-19 chief implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ang karagdagang 2.4 million doses ng COVID-19 vaccine na darating ngayong Marso.

Sa public address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Lunes ng gabi, sinabi ni Galvez na aasahan ng Pilipinas ang karagdagang bakuna ngayong buwan o unang linggo ng Abril sa harap na rin ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ang 2.4 million doses ng COVID-19 vaccine ay kinabibilangan ng dagdag na 400,000 dose na donasyon ng Sinovac, at 1,000,000 dose na binili naman ng Pinas na kaparehong bakuna.

Samantala, halos 1 milyong AstraZeneca rin ang padating na.

“So a total of 1.4 Sinovac vaccines. And we have an information from WHO (World Health Organization) that we might be receiving almost a million of AstraZeneca also within this month or maybe early April with 979,200 AstraZeneca. With a total of 2,379,200 doses by March or early April po, sir,” ani Galvez.

Sa kabilang banda ay ibinalita ni Galvez na sa ikatlong kwarter pa ng taon o sa Hulyo hanggang Setyembre darating ang bakuna galing India.

 “Sir, it will be by ano by third quarter po, sir,” ani Galvez

Matatandaang bumyahe pa India si Galvez para repasuhin ang kasunduan sa bakuna sa Novavax vaccine at kasabay na rin ang Covaxin ng Bharat Biotech.

Samantala, inamin ng Pangulo sa publiko na hanggang ngayon ay walang sobrang bakuna ang Pilipinas.

Ibig sabihin aniya walang dumating maliban sa donated vaccine.

“Iyong ginawang donasyon lang ng China pati sa WHO. Walang bayad ‘yon,” ayon sa Pangulo.

“Si Secretary Galvez pumunta ng India at mayroon siyang negotiation. He says that it was a very good one and we can expect delivery in weeks,” ayon sa Pangulo. Kris Jose