2.87M unemployed na Pinoy naitala noong Marso – PSA

2.87M unemployed na Pinoy naitala noong Marso – PSA

May 6, 2022 @ 11:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho ngayong Marso 2022, dahilan upang maitala ang pinakamababang unemployment rate simula nang tumama ang COVID-19 pandemic, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes.

Sa isang virtual press briefing, sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na naitala ang 2.87 milyong Pilipino edad 15 pataas na walang trabaho nitong Marso, na kumakatawan sa unemployment rate na 5.8 porsyento.

Pinakamababa ang unemployment rate nitong Marso simula noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic lockdowns noong Abril 2020, kung saan pumalo ang unemployment rate sa 17.6 porsyento o 7.3 milyong Pilipino na walang trabaho.

Inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ang pagbaba sa unemployment rate ay dulot ng paglalagay sa maraming lugar sa bansa sa Alert Level 1 noong Marso.

“The March labor force survey results reflect the gains from moving around 70% of the economy to Alert Level 1. As we continue to manage the risks, we reiterate our recommendation to shift the entire country to alert level 1 to generate more employment and strengthen the domestic economy against external shocks,” ani Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua.

Naitala naman ang bilang ng labor force participants sa 49.85 milyon nitong Marso mula sa 48.61 milyon noong Pebrero.

“Together, these translated to significant employment creation of 1.5 million between February and March. This brings the net employment to 4.4 million above the pre-pandemic level,” ayon sa NEDA.

Sa pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa, tumaas naman ang mga nagkaroon ng hanapbuhay sa 46.98 milyon nitong Marso mula sa 45.48 milyon noong Pebrero.

Kumakatawan ito sa employment rate na 94.2 porsyento, pinakamataas mula noong kasagsagan ng pandemya noong Abril 2020, mula 93.6 porsyento noong Pebrero.

Subalit, tumaas ang underemployment rate mula 14 porsyento sa 15.8 porsyento dahil maraming mga empleyado ang naghayag ng kagustuhan na magkaroon ng iba pang trabaho. RNT/SA