2.9M Pinoy nagutom sa Q3 2022 – sarbey

2.9M Pinoy nagutom sa Q3 2022 – sarbey

October 30, 2022 @ 2:52 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Halos 2.9 milyon na pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger sa third quarter ng 2022, na bahagyang nagbago makalipas ang tatlong buwan, ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey na ipinalabas nitong Sabado.

Sa Sept. 29 to Oct. 2, 2022 poll, na unang SWS survey sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., napag-alaman na 11.3 porsyento ng mga pamilya ang walang makain “at least once in the past 3 months.”

Katulad ito ng 11.6 porsyento o tinatayang 2.9 milyong pamilya na nagutom noong Hunyo 2022, at bahagyang mas mababa sa 12.2 porsyento o 3.1 milyong pamilya noong Abril 2022.

“However, it is still 1.3 points above the 10 percent (estimated 2.5 million families) in September 2021, and 2.0 points above the pre-pandemic annual average of 9.3 percent in 2019,” sabi sa SWS.

Inihayag ng SWS na ang October 2022 hunger rate ay kabuuan ng 9.1 porsyento (2.3 milyong pamilya) na nakaranas ng Moderate Hunger at 2.2 porsyento (573,000 pamilya) na nakaranas ng Severe Hunger.

Tumutukoy ang Moderate hunger sa mga nakaranas ng gutom “only once” o “a few times” sa nakalipas na tatlong buwan. Samantala, tumutukoy ang severe sa mga nakaranas nito “often” o “always.” 

Inihayag ng SWS na ang 0.3-point decline sa “overall hunger” ay dahil sa pagbaba sa “Balance Luzon” o Luzon areas sa labas ng Metro Manila. 

Subalit, tumaas ang hunger rate sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao, base sa pollster.

Pinakamataas ang kagutuman sa Metro Manila na 16.3 porsyento ng mga pamilya, na sinundan ng Mindanao sa 15.3 porsyento ng mga pamilya, at Balance Luzon sa 9.6 porsyento, at Visayas sa 7.0 porsyento. 

Pinakamataas ito sa Metro Manila sa 25 sa 99 surveys mula Hulyo 1998. RNT/SA