2 anyos, patay sa sakal ng amain

2 anyos, patay sa sakal ng amain

July 10, 2018 @ 6:06 PM 4 years ago


CamSur – Kalunos-lunos ang sinapit ng dalawang taong gulang na babae makaraan itong patayin sa sakal ng kanyang mismong amain sa Calabanga, Camarines Sur kahapon.

Sa isang irigasyon sa Barangay Sta. Cruz narekober ng mga awtoridad ang biktima na palutang lutang.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Calabanga police, bago ang pangyayari ay kasama ng biktima ang kanyang ina at amain sa isang lamay sa katabing Barangay ng Binaliw araw ng linggo.

Subalit hindi nagtagal ay nagyayang umuwi na ang amain at isinama ang bata nang tumanggi ang ina nitong sumama sa kanila.

Pero hindi na umano inabutan ng ina at lolo ang bata nang kanilang habulin.

Kinabukasan ay laking gulat na lamang ng mga kaanak ng tumambad ang wala ng buhay na biktima sa nasabing patubig.

Kaugnay nito ay agad na dinakip ng pulisya ang suspek na amain sa bahay nito sa Barangay Cabanbanan.

Sa isinagawang interogasyon ay itinanggi ng suspek na may kinalaman siya sa pagkamatay ng bata.

Katwiran nito ay iniwan lang niya umano ang bata sa tabi ng ilog bago umuwi.

Base sa awtopsiya, sa matinding pagkakasakal sa leeg nito ang dahilan ng pagkamatay ng bata at hindi sa pagkalunod sa tubig.

Kasalukuyang nakapiit sa Calabanga police station and suspek habang patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso. (Jeff Gallos)