2 arestado sa P11M extortion sa jet fuel

2 arestado sa P11M extortion sa jet fuel

March 19, 2023 @ 2:31 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang dating district collector ng Bureau of Customs (BOC) at ex-consultant sa Philippine Airlines (PAL) dahil sa di-umano ay pangingikil ng aabot sa P11 milyon mula sa naturang airlines para sa pag-aangkat ng jet fuel.

Sa impormasyon, inaresto sina dating BOC officer Atty. John Tan, at Benjamin Sebastian, dating PAL consultant, ng mga tauhan ng Anti-Organized and Transnational Crimes Division ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang hotel sa Maynila kung saan tumanggap ang mga ito ng pera sa isang entrapment operation nitong Huwebes.

Ayon sa ulat, nagbanta umano si Sebastian sa executive assistant ni PAL chair Lucio Tan noon pang Enero na haharangin ang authority to release imported goods (ATRIG) ng naturang airline kung hindi sila magbabayad.

Sinabi umano ng dalawang lalaki sa executive assistan, na hindi naman tinukoy sa naturang report, na ang P11 milyon ay gagamitin bilang “grease money” o padulas sa mga opisyal ng BOC, Bureau of Internal Revenue (BIR), at Office of Solicitor General upang mabigyan ng ATRIC ang PAL para sa aviation fuel nito.

Ang ATRIC ay inilalabas ng BIR na naka-address sa commissioner ng customs upang payagan ang pagrelease sa imported goods mula sa BOC, matapos bayaran ang tax o magsisilbing proof of exemption.

Agad namang isinagawa ang inquest proceedings nina Sebastian at Tan sa Manila City prosecutor’s office nitong Biyernes, Marso 17 kung saan nahaharap ang mga ito sa reklamong robbery-extortion at estafa.

Ihahain din ang reklamong usurpation of authority laban kay John Tan matapos nitong sabihin na empleyado pa rin siya ng BOC sa kabila na nagretiro na ito noong 2021.

Sa ulat ng ABSCBN sa kaparehong araw, itinanggi naman ni Sebastian na nangingikil siya, at sinabing kaibigan siya at empleyado ng PAL chair na karaniwan umanong nagbibigay sa kanya ng pera bilang regalo.

“I am not guilty,” aniya.

Itinanggi rin ni Tan na kasabwat siya ni Sebastian, at sinabing inimbitahan lamang ito ng ikalawa para kumain sa hotel.

Sa pahayag ng PAL, sinabi nito na sila ay “cooperating extensively” sa NBI.

“We wish to clarify, however, that we have not discovered any prior suspicious payments made by PAL to this individual (Sebastian), as alleged in the media report citing external counsel who assisted in the apprehension,” dagdag pa

“We are cooperating extensively with the National Bureau of Investigation on the case related to the former PAL consultant who was apprehended on March 16 for an extortion attempt,” pahayag pa ng PAL.

Tumanggi naman na magbigay pa ng karagdagang impormasyon ang tagapagsalita ng PAL kaugnay dito.

“The case is undergoing inquest proceedings. We cannot make further comments.” RNT/JGC