2 arestado sa P6.8M shabu

2 arestado sa P6.8M shabu

October 18, 2022 @ 3:24 PM 2 months ago


ZAMBOANGA CITY- Arestado ang dalawang high-value drug traders matapos madakip ng mga awtoridad sa isinagawang anti-drug operation nitong Lunes sa probinsya ng Sulu.

Kinilala ni Col. Richard Verceles, Area Police Command-Western Mindanao operations chief, ang mga suspek na sina Alfajar Asgali, 26, at Madjid Sala, 41, kapwa ng Jolo, Sulu.

Batay sa report bandang alas-2:30 ng hapon nadakip ang mga suspek sa isinagawang buy bust operation sa Barangay San Raymundo, Jolo, Sulu.

Sa pinagsamang pwersa ng pulisya, militar, at ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nakabili ang operatiba ng dalawang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 1-kilo at aabot sa halagang P6.8 milyon.

Nakuha rin sa mga suspek ang dalawang cellphone at ibang pang personal na gamit.

Sinabi na Verceles na isa sa pinaka-malaking operasyon kontra-droga sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos ang apat na araw na monitoring ng mga awtoridad laban sa mga suspek.

Kasalukuyang nakakulong sa Jolo police station sina Asgali at Sala at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Magugunitang nitong Oct. 13, nakumpiska ng mga awtoridad ang higit sa 300 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2 milyon mula sa apat na suspek na nanlaban at nauwi sa engkuwentro na ikinasawi ng isa sa mga suspek na isang kagawad sa Barangay Limogao, Saguiaran, Lanao del Sur. Mary Anne Sapico