2 arestado sa panghahalay, pagpatay sa paslit

2 arestado sa panghahalay, pagpatay sa paslit

July 8, 2022 @ 1:51 PM 1 month ago


LAGUNA- Arestado ang dalawang lalaking menor-de-edad na hinihinalang lasing at umano’y suspek sa natagpuang bangkay ng pitong taong gulang na batang babae na ibinalot sa kulambo at wakwak ang dalawang paa, matapos halayin sa # 297 Dulo Purok 6 Barangay Landayan San Pedro City.

Ang dalawang suspek na naaresto ay kapwa pansamantalang nakapiit sa San Pedro City PNP, pawang residente ng naturang lugar.

Base sa report ng San Pedro City PNP sa pamumuno ni PLTCol Jaca Socrates Chief of Police ng San Pedro City PNP dakong ala- 1:30 ng hapon nang matagpuan ang biktima na si alyas Ava, 7, naninirahan sa nabanggit na lugar, na walang damit at nakabalot ng kulambo at may malalim na sugat ang dalawang paa, sa 2nd floor ng bakanteng bahay na pag-aari ng isa sa mga suspek.

Napag-alaman na pawang lango na umano sa alak ang mga suspek nang makita ang biktima sa labas at sapilitang kinuha sa pamamagitan ng pagtakip sa bibig na mabilis na inakyat sa 2nd floor ng bakanteng bahay, kung saan pinagtulungang halayin ang biktima.

Matapos maisakatuparan ang panghahalay ay tinakpan ng unan ang mukha ng biktima at hindi pa nakuntento ang mga suspek sapagkat hiniwa pa ang dalawang paa na halos maputol na.

Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pangunguna nina PCpl Rodilyn Pillatong , PCpl Dhoni Manzanero at PSms Francis Tabile hinggil sa naganap na krimen kung saan inaalam pa kung gumagamit umano ng ilegal na droga ang mga suspek. Ellen Apostol