2 babae kulong sa pekeng sigarilyo

2 babae kulong sa pekeng sigarilyo

September 29, 2022 @ 1:42 PM 2 months ago


PANGASINAN – Kulungan ang kinabagsakan ng dalawang babae matapos mahulihan ng mga pekeng sigarilyo sa ginawang entrapment operation ng mga awtoridad Miyerkules, Setyembre 28 sa bayan ng Infanta.

Kinilala ni Plt. Mark Jowell Medios, Infanta deputy chief of police ang mga naaresto na sina Roxanne Mejos, 31 anyos, at Karen Rose Marzan, dalaga, 26 anyos, at kapwa residente ng Brgy. Doliman, Infanta.

Batay sa report ng Infanta Police Station, nadakip ang mga suspek sa Barangay Poblacion ng naturang bayan.

Ayon kay Medios, nakatanggap sila ng report hinggil sa lantaran na pagbebenta ng mga pekeng sigarilyo sa lugar at agad na inilatag ang operasyon para rito.

Nakabili ang operatiba sa mga suspek ng pekeng sigarilyo at pagtanggap ng entrapment money kapalit ng dalawang packs ng Marlboro Red at dalawang packs na Modern America ay agad na pinosasan ang mga ito.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dalawang taon nang nagbebenta ng mga pekeng sigarilyo ang dalawa at kinukuha nila ang mga ito sa Alaminos, Pangasinan mula sa kanilang supplier na isang Chinese national.

Umabot sa halagang P612,880 ang kabuuan ng mga pekeng sigarilyo na nakuha sa mga suspek na agad na tinurn-over sa tanggapan ng CIDG Pangasinan para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa R.A. 10643 o Graphic Health Warning Law at Violation of R.A. 8293 ang mga suspek. Mary Anne Sapico