2 babae patay sa tatsulok na pag-ibig

2 babae patay sa tatsulok na pag-ibig

December 2, 2022 @ 2:10 PM 2 months ago


TIAONG, Quezon- Patay ang dalawang babae matapos pasukin sa loob ng bahay at pagbabarilin ng isa sa tatlong suspek dahil sa love triangle, iniulat kahapon, Disyembre 1 sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Lanilyn Sanchez Caya, 26, at Jessica Prado Tambado, 28, ng Sitio Laluses, Barangay Talisay, Tiaong, Quezon.

Agad naman nadakip ang mga suspek na kinilalang si Randy Andal Malabanan, (gunman), 44 anyos, Totie Garcia Laigo, (ka-relasyon ni Caya), 64, negosyante at driver na si Danny Cordero De Guzman, 39 anyos, at pawang mga taga Tiaong, Quezon.

Ayon kay Lt. Col. Marlon Cabatana, hepe ng Tiaong Municipal Police Station, gabi ng Martes ng maganap ang krimen sa loob ng bahay ni Tambado.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang mga suspek sa nasabing lugar sakay ng kotse na Toyota Altis na may plakang XKY-347.

Dito, bumaba ng sasakyan si Malabanan at dumiretso sa loob ng bahay ni Tambado kung saan naroon din si Caya at walang habas na pinagbabaril ang mga ito sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na pinasibad ng mga suspek ang sasakyan patakas patungo sa direksyon ng San Pablo City.

Agad na nagsagawa na hot pursuit operation ang pulisya at makalipas ang ilang oras nadakip ang mga suspek sa Barangay Kaybagal North, Tagaytay City, Cavite.

Sa himpilan ng pulisya, inamin ni Laigo na may relasyon sila ni Caya at ipinagkatiwala niya rito ang milyong halaga ng pera pati ang iba pa niyang mga ari-arian, subalit bandang huli nalaman niyang may iba itong lalaking kinalolokohan.

Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Tiaong-MPS ang mga suspek at posibleng maharap sa kasong double murder. Mary Anne Sapico