2 bagyo babayo sa Pinas; 6 lugar, signal no. 1

2 bagyo babayo sa Pinas; 6 lugar, signal no. 1

October 11, 2022 @ 6:44 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ganap nang bagyo ang binabantayang low pressure area at pinangalanan itong Maymay.

Bunsod nito, itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa anim na lugar sa Luzon dahil sa Tropical Depression, ayon sa weather bulleting ng PAGASA.

Pasok ang sumusunod na lugar sa TCWS no. 1:

  • Isabela

  • Quirino

  • Nueva Vizcaya

  • Aurora

  • Nueva Ecija

  • Extreme northern portion ng Quezon (General Nakar, Infanta) kasama ang Pollilo Islands

Ang mga lugar na nakasailalim sa signal no. 1 ay makararanas ng  malakas na hangin sa  ngunit ang potensyal na epekto ay minimal na may maliit na banta sa buhay at ari-arian.

Si Maymay ay dating Low Pressure Area (LPA) sa silangan ng Casiguran, Aurora na naging tropical depression bandang alas-12 ng umaga noong Martes.

Alas-4 ng umaga, ang sentro ni Maymay ay tinatayang nasa 300 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora na taglay ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna, pagbugsong aabot sa 55 kilometro bawat oras, at gitnang presyon na 1006 hPa.

Kumikilos si Maymay pakanluran sa bilis na 10 km/h na may malakas na hangin na umaabot hanggang 200 km mula sa gitna.

Inaasahang magla-landfall ang tropical depression sa paligid ng southern Aurora o hilagang bahagi ng Quezon sa Miyerkules ng hapon o gabi.

Samantala, patuloy na binabantayan ng PAGASA ang isa pang aktibong tropical cyclone na nasa labas pa rin ng Philippine Area of ​​Responsibility (PAR).

Ang tropical depression na ito, kaninang 3 a.m., ay nasa layong 1,730 kilometro silangan ng silangang Visayas na taglay ang lakas ng hanging 45 kilometro bawat oras, pagbugsong aabot sa 55 kilometro bawat oras, at kumikilos pahilaga hilagang-kanluran sa bilis na 35 kilometro bawat oras.

Inaasahang papasok ito sa PAR sa Huwebes. Kapag nasa loob na ng PAR, tatawaging Neneng ang tropical depression.

Si Neneng ay dahan-dahang lalapit sa Luzon at posibleng magdulot ng malakas hanggang sa matinding pag-ulan. RNT