2 barangay captain, patay sa magkahiwalay na pamamaril sa Cebu, Maguindanao – PNP

2 barangay captain, patay sa magkahiwalay na pamamaril sa Cebu, Maguindanao – PNP

March 16, 2023 @ 6:51 PM 7 days ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes, Marso 16, na nakapagtala sila ng dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa barangay chairman sa Cebu at Maguindanao del Sur ngayong linggo.

“We recorded two incidents particularly diyan sa Cebu where the victims were identified as a barangay captain and his wife. Another case in Maguindanao. Both transpired March 14,” ani PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa isang press briefing.

Ani Fajardo, sa Cebu, tukoy na ng pulisya ang ilang persons of interest at tinitingnan na motibo ng pagpatay ang personal na galit nito sa biktima.

Sa insidente naman sa Maguindanao, kasalukuyang sinusuri ang CCTV footage upang makatulong sa pag-usad ng imbestigasyon.

Ang ulat na ito ni Fajardo ay kasunod ng tanong kung mayroon na bang malalang problema sa pagpatay at karahasan sa mga barangay officials lalo na sa papalapit na barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.

Aniya, hindi maituturing na election-related incidents ang dalawang kaso dahil hindi pa nagsisimula ang election period.

Inatasan naman ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang mga police commanders na paigtingin pa ang kampanya laban sa gun-for-hire activities upang maiwasan ang ganitong mga krimen.

Ani Fajardo, humiling na ng dagdag na security details ang ilang halal na opisyal, na kasalukuyan namang pinag-aaralan ng mga awtoridad. RNT/JGC