2 bata patay; lola sugatan sa kawatan

2 bata patay; lola sugatan sa kawatan

August 3, 2022 @ 1:07 PM 1 week ago


STA. TERESITA, Cagayan- Patay ang dalawang bata habang sugatan ang kanilang lola matapos silang pagsasaksakin ng kawatan na dating tauhan ng huli nitong Lunes sa bayang ito.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang mga batang sina Mark, 6-anyos, at Maria 5 habang nilapatan naman ng lunas sanhi ng tinamong sugat sa katawan ang kanilang lola na si Evelyn Perez, 64-anyos, retired principal at mga residente sa Barangay Villa ng naturang bayan.

Nadakip naman ng mga tauhan ng Teresita Police Station ang suspek na kinilalang si Jerry Maba Genova, tubong Calayan, Cagayan at kasalukuyang naninirahan sa nasabing lugar.

Batay sa report ng pulisya, dakong alas-10:40 ng gabi naganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-lola.

Kwento ng lola, lumabas siya ng bahay para isarado ang pinto at bintana habang naiwan sa kwarto ang mga apo na natutulog.

Pagbalik sa loob ng bahay napansin ni Evelyn na may taong nakasuot ng bonete na kulay itim at may hawak na kutsilyo.

Nilapitan niya ang suspek para pakiusapan na lumabas subalit pinagsasaksak na siya ng suspek at itinali ng cord ng cellphone ang mga kamay.

Sunod naman pinagsasaksak ng suspek ang dalawa bata sa iba’t ibang parte ng katawan saka nilimas ang mga alahas ng matanda.

Nagsisigaw naman si Evelyn ng tulong at narinig siya ng kanyang kapitbahay kaya agad na humingi ng tulong sa mga pulis.

Pagdating ng mga pulis sa bahay ng maglola hindi na nila naabutan ang suspek habang isinugod naman sa

Gonzaga District Hospital, Gonzaga, Cagayan ang maglola subalit ilang minute ang makalipas ay nalagutan rin ng hininga ang dalawang bata.

Sa isinagawang manhunt operation agad na nadakip ng mga awtoridad ang suspek sa isang farm na pinagtatrabahuhan nito malapit lamang sa nabanggit na lugar.

Nakuha rin sa suspek ang mga alahas na ninakaw na pag-mamay-ari ni Evelyn.

Nabatid, galit ang suspek kay Evelyn dahil pinaalis siya sa farm ng huli na kanyang pinagtatrabahuhan dahil na rin sa kasong pagnanakaw.

Sinampahan na ng kasong Robbery with Homicide in relation to RA 7610, Frustrated Murder; Direct Assault, Resistance at Disobedience of Person in Authority or Agent of Person in Authority si Genova. Mary Anne Sapico