2 bebot, niratrat sa Taguig

2 bebot, niratrat sa Taguig

July 27, 2018 @ 2:25 PM 5 years ago


 

Taguig City – Dalawang kababaihan ang pinagbabaril hanggang sa mamatay sa magkahiwalay na insidente sa Taguig City.

Naiulat ng Taguig City police ang unang insidente ng pamamaril kung saan dead on arrival sa Taguig-Pateros District Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na kinilalang si Jade Marie “alias Tisay”, ng Western Bicutan, Taguig City.

Base sa report na natanggap ni Taguig police chief Sr. Supt. Alexander Santos, nangyari ang insidente dakong alas-10:20 ng gabi kamakalawa sa inuupahan bahay ng boyfriend ng biktima na si Anthony Espenido sa Brgy. Hagonoy, Taguig City.

Napag-alaman na bumisita lamang si Jade Marie sa bahay ni Espenido at habang nasa loob ang biktima ay may kumatok sa pinto na siya mismo ang nagbukas ng pintuan.

Lingid sa kaalaman ng biktima at pagbukas niya ng pintuan ay bumungad sa kanya ang isang di pa nakikilalang lalaki na armado ng baril kung saan walang salitang pinagbabaril si Jade Marie bago ito mabilis na tumakas.

Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa naturang insidente kung ang biktima ay napagkamalan lamang na target ng suspek.

Samantala, pinagbabaril hanggang sa mapatay naman kahapon ng umaga ang biktima na nakilalang si Janet Diones, 39.

Batay sa imbestigasyon at sa salaysay ng mga nakasaksi sa insidente, kausap lamang ni Diones ang suspect na kinilala lamang sa “alias Muds” sa panulukan ng Road 10 at A. Reyes St., Brgy. Lower Bicutan nang bigla na lamang paputukan ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Patuloy ang imbestigayon ng pulisya kung may kinalaman sa droga ang pamamaril kay Diones. (James I. Catapusan)