2 bigtime target timbog sa P2.7M tobats

2 bigtime target timbog sa P2.7M tobats

August 27, 2022 @ 1:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang ‘high-value individuals’ na nakumpiskahan ng P2.7 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng Makati City police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) nitong Agosto 25.

Sa report na isinumite kay Southern Police District (SPD) director P/Col. Kirby John Kraft ng Makati City police ay kinilala ang dalawang inarestong suspects na sina Francedy Jamito, 20, at Dianne Harina, 36.

Base sa imbestigasyon, nalambat ng mga operatiba ng SDEU sina Jamito at Harina sa isinagawang buy-bust operation sa Yague St., Barangay Tejeros kung saan nakumpiskahan ang mga suspects ng halagang P2,720,000 shabu at drug paraphernalia.

Ang nakumpiskang ilegal na droga ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa confirmatory test habang sina Jamito at Harina ay kasalukuyang nakapiit sa SDEU detention facility.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act ng 2002 ang mga suspek sa Makati City prosecutor’s office.

Pinuri naman ni Kraft ang Makati City police dahil sa kanilang matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspects. James I. Catapusan