2 binata nilamon ng ilog

2 binata nilamon ng ilog

May 16, 2022 @ 10:03 AM 1 month ago


ECHAGUE, Isabela- HIndi inakala ng dalawang binata ang ginawa nilang paghuhugas lamang sana ng kanilang sasakyan sa ilog ang magiging dahilan ng kanilang kamatayan matapos malunod sa ilog nang ma-engganyong maligo, Sabado sa bayang ito.

Kinilala ang mga biktimang sina Christian Oydot, 18, binata, at Mark Arellano, 21, binata at kapwa residente ng Del Pilar, Alicia, Isabela.

Batay sa report ng Echague Police Station, bandang 7:00 AM nakuha ang bangkay ng mga biktima sa Cagayan River na sakop ng Gucab, Echague Isabela sa ginawang search and rescue operation Echague Rescue team at mga miyembro ng 502nd Brigade PA.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, bago ang insidente nagsagawa ng outreach program ang dalawa sa Sitio Matartarang, Brgy. Busilelao, Echague, Isabela.

Pagkatapos ay nagpasyang umuwi na ang mga ito at habang binabaybay ang naturang lugar napadaan sila sa ilog at huminto ang mga ito para linisin lamang sana ang kanilang sasakyan.

Kuwento ng ilang saksi sa pangyayari, habang naglilinis ang dalawa ng sasakyan nakita na lamang nilang lumusong sa ilog si Oydot at naligo.

Ilang minuto ang makalipas, napadpad ito sa malalim na bahagi ng ilog kaya nagsisigaw ito ng tulong kay Arellano.

Narinig ni Arellano na nagsisigaw si Oydot kaya dali-dali siyang lumangoy sa ilog para tulungan si Oydot pero maging siya ay nilamon na rin ng ilog na naging sanhi ng kanilang kamatayan./Mary Anne Sapico