2 bugaw tiklo ng NBI, 8 kababaihan nasagip

2 bugaw tiklo ng NBI, 8 kababaihan nasagip

September 23, 2022 @ 7:50 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-aresto sa dalawang indibidwal sa Antipolo City ng mga operatiba ng NBI- Anti-Violence Against Women and Children Division (NBI-AVAWCD), dahil sa Human Trafficking.

Nasagip din sa operasyon ang walong babaeng biktima, lima sa mga ito ay menor de edad.

Kinilala ang mga suspek na si Ronneth Tolentino y Montealegre at Rent Tumbali na naaresto sa entrapment operation na nag-ugat sa impormasyong natanggap ng NBI-AVAWCD tungkol sa mga bugaw na sina “Trixie” at “RB” na nagre-recruit at nag-aalok ng mga menor de edad na babae sa online sa mga kliyente para sa sekswal na pagsasamantala kapalit ng bayad.

Ayon sa NBI nasa edad 15 hanggang 23 ang iniaalok na babae ng mga bugaw para sa pakikipagtalik kapalit ng P5,000 hanggang P10,000 depende sa edad at sexual services.

Sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa FB account nina Trixie Tolentino at RB Tumbali, nagkasundo na makipagkita ang tauhan ng NBI-AVAWCD sa mga suspek sa isang fastfood chain sa
Marilaque Highway Cogeo, Antipolo noong Setyembre 14 kung saan sila naaresto habang inaalok ng mga ito ang mga babae na nasa loob ng isang van.

Isinalang na sa inquest proceedings ang mga suspek sa Department of Justice para sa paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2002. Jocelyn Tabangcura-Domenden