2 Chinese dinakip sa Lend Kidnap Modus

2 Chinese dinakip sa Lend Kidnap Modus

April 3, 2019 @ 3:33 PM 3 years ago


Paranaque – Bagsak sa kulungan ang dalawang Chinese national matapos arestuhin ng mga pulis Paranaque makaraang ireklamo ng kapwa Chinese ng illegal detention.

Kinilala ang dalawang Chinese national na sina Li Xianxin at Xiao Qin na suspek sa panggigipit ng mga kapwa Chinese dito sa bansa.

Batay sa sumbong na reklamo ng biktimang si Guantong Bao, ikinulong umano siya ng dalawang suspek sa isang subdivision sa Bgy. Don Bosco, Paranaque City makaraang hindi makabayad sa kanyang utang.

Inamin ni Bao na nagkautang siya sa dalawang kapwa Chinese ng halagang P50,000 dahil sa pagsusugal.

Pinahiram umano siya ng P50,000 halaga ng casino gambling chip para ipusta para bakasakaling makabawi sa naunang pagkatalo ngunit natalo lang siya ulit.

Naging hudyat umano ang kanyang muling pagkatalo upang iditine siya ng dalawang suspek nang hindi makabayad.

Nagawa umano niyang makatakas sa bahay na pinagkulungan sa kanya ng mga suspek at lumabas ng subdivision kahit nakahubad at nakaposas.

Sa ganitong ayos nakita ng gwardya ng subdibisyon ang biktimang si Bao kaya humingi ng police assistance na siyang naghanap sa dalawang suspek.

Nakita ng rumespondeng mga pulis ang dalawang suspek sakay ng Hyundai Tucson na umaaligid sa subdivision sa paghahanap kay Bao.

Hinarang ng mga pulis ang kotse ng mga suspek pero iniwasan sila kaya nagkaroon ng habulan hanggang sa Bicutan skyway tollgate na nakorner ang mga suspek na Chinese.

Kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng Paranaque City Police Station ang mga suspek na sina Li at Xiao para sa mas malalim na interogasyon at paghahanda ng kaukulang kasong isasampa sa piskalya. (Dave Baluyot)