2 dalagita, utol kritikal sa naingayang kapitbahay sa kanta

2 dalagita, utol kritikal sa naingayang kapitbahay sa kanta

December 8, 2021 @ 11:13 AM 10 months ago


DALAGUETE- Kritikal sa ospital ang magkakapatid matapos silang pagtatagain ng kanilang kapitbahay na mentally-challenged nang maingayan ang huli sa mga una na kumakanta habang naglalaba kahapon ng umaga sa lungsod na ito.

Inoobserbahan ngayon sa ospital ang mga biktimang kinilalang sina Jovelyn Enopia, 17, Grade 11; Victorina Enopia, 16, grade 10 at Juan Enopia,14, grade 9; pawang mga residente sa Purok 2, Barangay Tabon, Dalaguete, City.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Junjun Quijano, 27, at kapitbahay ng pamilya Enopia.

Batay sa report ng Dalaguete Police Station, dakong 9:30 AM ng Martes naglalaba ang magkapatid na Jovelyn at Victorina sa labas ng kanilang bahay.

Habang naglalaba naisipan ng magkapatid na kumanta at napalakas ang kanilang boses.

Subalit lingid sa kanilang kaalaman, naingayan ang suspek sa kanilang pagkanta kaya lumabas ito ng bahay bitbit ang itak at kutsilyo saka sinugod ang dalawang dalagita at pinagtataga sa iba’t ibang parte ng katawan.

Nakita naman ni Juan ang kanyang mga Ate na duguan kaya nilapitan nito ang suspek para awatin subalit maging siya ay pinagsasaksak rin ni Quijano.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng insidente nakuha nila sa suspek ang isang itak at kutsilyo na ginamit sa pananaksak at pananaga.

Ayon naman sa magulang ng suspek na may problema sa pag-iisip si Quijano at sensitibo ito sa maingay kaya nagiging bayolente.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang karampatang kaso na isasampa laban sa suspek./Mary Anne Sapico