2 dam sa Luzon tuloy sa pagpapakawala ng tubig

2 dam sa Luzon tuloy sa pagpapakawala ng tubig

August 23, 2022 @ 7:40 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kasabay ng pagbayo ng Severe Tropical Storm Florita, ay nakabukas pa rin ang dalawang Luzon dam ngayong Martes.

Ang Binga Dam sa Benguet at Magat Dam sa Isabela ay may tig-isang gate na nakabukas.

Alas-6 ng umaga ngayong Agosto 23, ang Binga Dam sa Benguet ay may bukas na gate sa 0.30 metro, katulad noong Lunes, ayon sa datos ng PAGASA.

Nasa 572.76 metro ang reservoir water level (RWL) ng dam ngayong Martes ng umaga, malapit na sa 575-meter spilling level o normal high water level (NHWL).

Samantala, ang Magat Dam, na nasa Isabela at Ifugao, ay may isang gate rin na bukas sa 0.50 metro bandang alas-6 ng umaga, katulad noong Lunes.

Ang RWL nito ay nasa 186.59 metro noong 6 a.m. Martes, ilang metro ang layo mula sa 190-meter NHWL nito.

Sinabi ng PAGASA na inaasahang magla-landfall si Florita sa paligid ng silangang baybayin ng alinman sa Cagayan o hilagang Isabela sa Martes ng umaga o madaling-araw. RNT