2 DEDMANG PAMUNUAN NG OKADA

2 DEDMANG PAMUNUAN NG OKADA

September 8, 2022 @ 2:10 PM 4 weeks ago


HILING ng Office of the Vice President ang P2.29 bilyon budget para sa 2023. Napakalaki ng halagang ito para sa kasalukuyang sitwasyong pinansiyal ng bansa.

Pero huwag nang asahang kukuwestiyunin ng ibang kagawaran ang panukalang budget na ito para sa tanggapan ni VP Sara Duterte dahil halata namang prayoridad siya ni Pangulong Marcos.
* * *

Mismong si Marcos ay humihiling ng P9 bilyon budget sa susunod na taon. Sa pagsilip sa kanyang panukala, naglaan ang Pangulo ng P893 milyon para sa kanyang mga biyahe sa labas ng bansa at P4.5 bilyon na magsisilbing confidential funds.
* * *

Binatikos ng maka-administrasyong si Senator JV Ejercito ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), Sugar Regulatory Administration (SRA), at Bureau of Customs (BOC) sa nakalipas na anim na taon dahil sa lumalalang smuggling ng mga produktong agrikultural sa bansa.

Sinisisi niya sila sa pagbubulag-bulagan sa problema, marahil dahil daw sa “kumikitang” konsiderasyon, kaya naman nagmungkahi siyang kasuhan ang mga ito.

Tingnan natin kung ano ang kahahantungan ng administrasyong ito. Kung totoong prayoridad nito ang kapakanan ng mga Pilipino, dapat na si Marcos – bilang Agriculture Secretary – ay magpursiging pagsasampahan ng kaso ang mga tiwaling appointees ng pinalitan niyang si Rodrigo Duterte sa mga kinauukulang ahensiya.
* * *

Nasa Okada Manila ako ng limang magkakasunod na araw, at nataong nagkaroon muli ng madramang kaganapan doon – ang pagbawi ng pinatalsik na board, sa pangunguna ni Hajime Tokuda, sa kontrol ng pangangasiwa sa pinakamalaking resort casino hotel sa Asya. Sa huli, ibinalik sa puwesto si Byron Yip bilang presidente at COO ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Inc. (TRLEI), na siyang nag-o-operate sa Okada Manila.

Mananatili pa rin ang board ni Kazuo Okada, pero ang tumatayong kinatawan niya, si Antonio “Tonyboy” Cojuangco, na nagtalaga kay Dindo Espeleta para pangasiwaan ang luxury hotel, ay inatasan ng PAGCOR na huminto na sa pakikialam sa operasyon ng establisimyento.

Saludo ako sa Okada Manila sa pagpapatuloy ng mga serbisyo nito sa kabila ng sigalot sa pagitan ng mga nangangasiwa rito. Pero kailangan ko talagang banggitin na isang matinding bangungot ang parking access sa hotel nitong Biyernes dahil isang gate (Pearl Wing) lang ang bukas at halos isang kilometro ang layo nito sa parking ng mga delegado ng aming Lions Club event.

Hmmm… praning kaya sa isa pa uling takeover???

Kung hindi pa ako humiling ng golf cart service mula sa aming kinapupuwestuhan sa Coral Wing basement, ang ating mga nakaposturang delegado ng Lions – karamihan ay nasa 24-karat ages na – ay malamang na abot-abot na ang hingal at posibleng atakehin pa sa puso bago nakarating sa lugar ng pagtitipon ng 15 minutong atrasado.

Para sa isang hotel na may “dalawang pamunuan” na naglalaban para sa tunay na mangangasiwa sa establisimyento, nakakalungkot na walang sinuman sa kanila sa Okada Manila ang humingi ng paumanhin sa aming organisasyon o sa hotel guests ng araw na iyon.
* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.