2 dorobo sa online cash transfer kalaboso 

2 dorobo sa online cash transfer kalaboso 

October 2, 2022 @ 9:06 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang manggagantsong lalaking ang modus ay manloko ng mga may-ari sa sari-sari store na may online cash transfer nang tangayan ng halos P20,000 ang isang tindahan at inguso ng unang nahuli ang kanyang kasabwat sa Valenzuela City.

Hindi nagkikibuan sa selda ang mga suspek na sina John Lester Valdemar, 33,at; Jayson Soron, 23, kapwa ng Barangay Veinte Reales, ng lungsod at nahaharap sa kasong estafa/swindling.

Ayon sa pulisya, pumunta si Soron sa 55-anyos na babaeng kalugar at may-ari ng sari-sari store saka nagpa-‘cash in’ ng P50.00 sa pamamagitan isang online cash transfer application.

Nabatid na huwad na numero ng nasabing cash transfer app ang ibinigay ni Soron sa biktima kaya nag-send one-time pin o OTP ang nasabing app para sa beripikasyon.

Dahil alam ni Soron ang pasikot-sikot sa ganoong mga transaksyon, hiningi nito sa nagtiwalang kalugar ang cell phone nito, at nalansi na susuriin lamang ang sinasabi ni Soron na “error.”

Nang ipakita ng biktima ang kanyang cell phone sa suspek ay agad na kinabisa ng kawatan ang OTP na ipinada ng cash transfer app.

Makalipas ang isang oras ay nakatanggap ang biktima ng notipikasyon na nagpadala siya ng P19,741 sa isang John Lester Valdemar.

Dito na dumulog sa Police Substation 6 ng Valenzuela Police at barangay ang biktima at ipinadampot si Soron na hinuli sa bahay nito.

Hindi naman pinahirapan ni Soron ang mga pulis at agad na inamin na kinabisa niya ang OTP ng biktima at nai-transfer nila ng kasabwat na si Valdemar ang P19,741 sa account ng huli.

Dahil tila ayaw mag-isang makulong habang nagpapasarap sa kanilang kinulimbat ang kasabwat ay halos kusang inginuso ni Soron kung nasaan si Valdemar na agad ding dinakma ng mga parak. Merly Iral