2 drug suspect arestado sa buy bust sa Navotas

2 drug suspect arestado sa buy bust sa Navotas

November 29, 2022 @ 12:40 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Bagsak sa kulungan ang dalawang bagong identified drug personalities, kabilang ang isang bebot matapos malambat ng pulisya sa buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief PCol. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Daisy Orinio, 26, ng Brgy. 101 Zone 8 at Emerson Claudio alyas “Emer”, 47, ng Brgy. 271, Zone 20, kapwa ng Manila.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-10:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa Dalagang Bukid St., Brgy. NBBS Dagat-dagatan, Navotas City kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P300 halaga ng shabu.

Matapos tanggapin ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ay agad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang pitong pirasong heat-sealed transparent plastic sachets kabilang ang (subject of buy-bust) na naglalaman ng aabot 4 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P27,200 at buy bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Boysan Buenaventura)