2 DSWD execs abswelto na sa reklamo ng Cavite mayor

2 DSWD execs abswelto na sa reklamo ng Cavite mayor

November 7, 2022 @ 9:48 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Ipinag-utos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pabalikin ang dalawang Calabarzon regional officers kasunod ng imbestigasyon ng departmento kung saan napag-alamang “wala silang ginawang mali.”

Magugunitang inilipat sina Region 4A Director Barry Chua at Assistant Regional Director Mylah Gatchalian sa DSWD Central Office habang isinasagawa ang imbestigasyon matapos magreklamo ni Noveleta Mayor Dino Chua ukol sa mahigpit na rekisitos para sa tulong sa mga pamilyang apektado ng Severe Tropical Storm Paeng.

Subalit, sinabi ni DSWD Sec. Erwin Tulfo na batay sa resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng DSWD Central Office, abswelto ang daalwang opisyal mula sa alegasyon dahil sumusunod lamang umano sila sa mga umiiral na polisiya.

“Wala nang kwestiyun sa pagbibigay ng food packs sa 500 katao na pumila doon noong araw na yun dahil lahat naman po ay nabigyan ng pagkain,” pahayag ni Tulfo.

Ipinaliwanag ni Tulfo na nasa ilalim ng DSWD policy na huwag bigyan ng tulong ang isang indibidwal kung walang maipakikitang ID, kung wala sa beneficiary list, o kung hindi inendorso ng barangay.

Gayundin, iginiit ni Tulfo na ang local government ang nagdala ng 500 benepisyaryo, kahit na 200 lamang ang nasa listahan.

“Kailangan po na may ma-i-present naman kami sa Commission on Audit (COA) kahit papaano kapag kami ay natanong kung saan o kanino namin ibinibigay yung mga cash ayuda po namin,” paliwanag ni Tulfo.

“Paano namin ipapaliwanag sa COA kung kami ay hanapan ng katibayan na namigay nga kami ng cash ayuda on that day and place pero we have no proof to show?” tanong niya.

Samantala, inihayag ng kalihim na nakipag-usap na sila kay Mayor Chua, “at okay na po ang lahat ng panig.” RNT/SA