2 durugista himas-rehas sa P’que

2 durugista himas-rehas sa P’que

September 8, 2022 @ 4:24 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Dalawang drug suspek na kinikilalang street value individuals (SVI) ang nadakip ng mga miyembro ng Southern Police District-District Drug Enforcement Unit (SPD-DDEU)  sa ikinasang buy-bust operation sa harap ng isang eskwelahan sa Parañaque City nitong Setyembre 7.

Kinilala ni SPD director P/Col. Kirby John Brion Kraft ang mga inarestong suspects na sina Jovelyn Yuson, 35, alias “Kim”, isang di-umano’y pusher, at Robert Johyn Lalisan Valle, 34, isa namang user.

Base sa report na isinumite kay Kraft, naging matagumpay ang isinagawang operasyon ng DDEU sa mga suspek sa harap Tambo National High School (TNHS) sa kahabaan ng MIA Road, Parañaque City dakong alas 5:00 ng umaga.

Ayon pa kay Kraft, sa isinagawang operasyon ng DDEU ay nakumpiska sa mga suspects ang 13 plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 35 gramo na nagkakahalaga ng P238,000.

Dagdag pa ni Kraft na narekober din sa posesyon ng mga suspects ang P500 na ginamit bilang buy-bust money, 1 black plastic bag at isang black pouch.

Kasalukyang nakapiit sa custodial facility ng SPD-DDEU ang mga suspects habang inihahanda ang kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kina Yuson at Valle. James I. Catapusan