2 durugista kalaboso sa P68K bato sa Navotas

2 durugista kalaboso sa P68K bato sa Navotas

January 12, 2023 @ 1:28 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Kulong ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos malambat sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Roy De Honor alyas “Puto”, 24, (listed/pusher) at Edmundo Quijano Jr, 51, kapwa residente ng lungsod.

Ayon kay Col. Ollaging, bandang alas-12:45 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcment Unit (SDEU) sa pangunguna ni PCpt Luis Rufo Jr ng buy-bust operation sa Goldrock St, Brgy San Roque matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ni De Honor.

Matapos tanggapin ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagsilbing poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ay agad dinamba ng mga operatiba ang suspek, kasama si Quijano.

Nakumpiska sa kanila ang humigit-kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P68,000 at buy-bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura