2 durugista magpa-Pasko sa loob ng selda sa Navotas

2 durugista magpa-Pasko sa loob ng selda sa Navotas

December 24, 2022 @ 4:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines -Sa loob ng rehas na bakal magpa-Pasko ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos malambat ng pulisya sa buy bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Reymark Abana alyas “Reymark Liit”, 28, fish vendor ng Brgy. NBBS, at Alli Magno alyas “Laurence”, 26, construction worker ng Caloocan City.

Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-9 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt Luis Rufo Jr ng buy bust operation sa Mandaragat St., Brgy. NBBS Dagat-Dagatan matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagtutulak umano ng ilegal na droga ni Abana.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba si Abana matapos bintahan ng P300 halaga ng umano’y shabu ang isang undercover police poseur buyer, kasama si Magno na nakuhanan din ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P34,000 at buy bust money.

Ani Lt Rufo, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022. Boysan Buenaventura