2 durugista nalambat sa P70K shabu sa Navotas

2 durugista nalambat sa P70K shabu sa Navotas

April 17, 2022 @ 1:46 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Isinelda ang dalawang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang matandang dalaga matapos makuhanan ng higit P70K halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City.

Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-12:05 ng hating gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo ng buy bust operation sa Dalagang Bukid St., Corner C3 Brgy., NBBS Dagat-Dagatan matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ni Jumer Amador alyas “Jojo”, 41 ng Bitas Tondo, Manila.

Agad dinamba ng mga operatiba ang suspek matapos bintahan ng P300 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur buyer na nagawang makipagtransaksyon sa kanya ng droga.

Nakumpiska sa suspek ang nasa 5.7 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P38,760, at marked money.

Bandang alas-7:40 ng gabi nang madakma din ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa R. Domingo St., Brgy. Tangos North si Josielyn Atienza alyas “Inggi”, 54, (pusher/listed) matapos bintahan ng P500 halaga ng shabu ang isang police poseur-buyer.

Narekober kay Atienza ang nasa 4.6 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P31,280 at marked money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura