2 durugista timbog sa P88K shabu sa Malabon

2 durugista timbog sa P88K shabu sa Malabon

January 25, 2023 @ 12:52 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Ibinalibag sa selda ang dalawang listed drug personalities, kabilang ang isang misis matapos makuhanan ng higit P80K halaga ng shabu nang matiklo ng pulisya sa buy bust operation sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek bilang sina Carmelito Macosme alyas “Butchoy, 44, construction worker at Ma. Ruth Fajardo, 46, kapwa residente ng lungsod.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Daro na dakong alas-3:00 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Ilang-Ilang St. corner Talabahan St. Brgy. Baritan matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa illegal drug activities ng mga suspek.

Matapos tanggapin ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagsilbi bilang poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng umano’y shabu ay agad pinosasan ng mga operatiba ang mga suspek.

Nasamsam sa kanila ang humigi’t kumulang 13 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) value P88, 400.00 at buy bust money.

Ani PSSg Jerry Basungit, kasong paglabag sa Section 5 (Sale) in relation to Section 26 (Conspiracy) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) of Art II of RA 9165 (Otherwise Known as Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isinampa nila sa mga suspek sa piskalya ng Malabon City. Boysan Buenaventura