2 estudyante na motornaper arestado sa Navotas

2 estudyante na motornaper arestado sa Navotas

March 24, 2022 @ 11:35 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Isinelda ang dalawang estudyante matapos matimbog ng pulisya makaraang nakawin ang motorsiklo ng ka-barangay sa Navotas City, Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek na sina Ermilito Perez alyas “Emem”, 18, estudyante ng Bagong Kalsada St., at Jhanzel Ayala, 18, estudyante ng Roldan St., kapwa ng Brgy., Tangos-South.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Mark Jefferson Lopez, nag-report ang biktimang si John Arthur Inocencio, 25, sa Navotas Police Sub-Station 2 matapos nakawin ang kanyang Honda Click na motorsiklo sa kanilang lugar sa No. 329 S. Roldan, Brgy., Tangos-South noong March 22, 2022 dakong alas-2 ng madaling araw.

Sa tulong ng closed-circuit television (CCTV), nakilala ng biktima ang mga suspek dahil kalugar niya ang mga ito na naging dahilan upang agad magsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng SS2 sa pamumuno ni PLT Genere Sanchez.

Dito, naispatan ng mga pulis at ng biktima ang mga suspek sa kahabaan ng Bagong Kalsada Street sa naturang barangay dakong alas-12:30 ng madaling araw na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito at mabawi sa kanila ang motorsiklo ni Inocencio.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 otherwise known as “New Anti-Carnapping Law of the Philippines”. Boysan Buenaventura