2 gobernador nakaupo sa NegOr

2 gobernador nakaupo sa NegOr

October 11, 2022 @ 12:18 PM 2 months ago


NEGROS ORIENTAL- APEKTADO ngayon ang mga transaksyon sa pamahalaan panlalawigan dahil sa kalituhan ng publiko kung sino sa dalawang nakaupo ang totoo nilang gobernador.

Sa ginanap na regular flag-raising nitong Lunes sa Negros Oriental Provincial Police Office, dumalo si Roel Degamo sa Sidlakang Negros Village (SNV) sa Barangay Piapi, matapos iproklama noong nakaraang linggo ng Commission on Elections ( Comelec) bilang bagong gobernador.

Nakadagdag rin ng kumpiyansa kay Degamo ang kanyang posisyon makaraan siya ay kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) regional director Leocadio Trovela at provincial director Farah Gentuya noong Biyernes.

Samantala, hindi naman bumaba sa kapitolyo si Pryde Henry Teves kasama ang kanyang mga abogado mula sa Maynila sa paniwalang siya pa rin ang gobernador ng lalawigan.

Sa ginanap na press conference, iginiit ni Teves na siya pa rin ang gobernador ng Negros Oriental maliban sa desisyon ng Korte Suprema.

Pinulong naman ni Degamo ang mga opisyal ng departamento ng pamahalaang panlalawigan sa SNV at tinalakay ang mga mahahalagang bagay na naganap sa nakalipas na tatlong buwan, habang si Teves ay inokupahan pa rin ang opisina ng gobernador kasama ang mga tagasuporta na umaaligid sa paligid ng kapitolyo.

Ito ay dahil na rin sa payo sa isa sa kanyang abogado na si Ferdinand Topacio, na manatili sa pwesto bilang gobernador.

Nanalo si Teves noong nakaraang halalan ngunit ipinasiya ng Comelec en banc sa isang writ of execution noong Setyembre 27 na kasunod ng diskwalipikasyon ng isang nuisance candidate na nagngangalang Ruel Degamo, ang mga boto ng huli ay inilipat sa orihinal na Degamo.

Lumabas sa huling recount ng mga boto ay nakakuha ng Degamo ng 331,726 kumpara sa 301,319 ni Teves.

Sinabi ni Topacio na hindi partido si Teves sa kaso ng Degamo versus Degamo, ngunit nakakagulat na naapektuhan ng desisyon.

Binanggit niya ang mga “discrepancies” sa bilang ng mga lumagda para sa isang “valid resolution”, gayundin ang pagtatanong sa awtoridad ng DILG sa pagpapatupad ng writ of execution ng Comelec, at iba pa.

Inaasahan naman na maglalabas ng desisyon ang Korte Suprema sa paghahain ng temporary restraining order ng kampo ni Teves, na kinukuwestiyon sa pagpapawalang-bisa sa kanyang pagkapanalo sa halalan./Mary Anne Sapico