2 guro, asawa’t anak patay sa pick-up truck

2 guro, asawa’t anak patay sa pick-up truck

September 24, 2022 @ 4:30 PM 2 months ago


ILOILO CITY –Patay ang apat na katao kabilang ang isang pamilya at guro matapos mahagip ng pick-up truck ang sinasakyan nilang tricycle, kagabi sa Iloilo City.

Kinilala ang mga nasawi na sina Bien Estorpe, 49, anak na si Arbie, 10, misis nitong si Arlene Estorpe, 50, guro ng Igdulaca Elementary School, Miagao, at kasamahan guro na si Helen Sedicol Olaguer, 45.

Hawak naman ng pulisya ang suspek at driver ng pick-up truck na kinilalang si Noel Tactica, 25.

Batay sa report ng Miag-ao Municipal Police Station, dakong alas-8:15 ng gabi naganap ang insidente sa national highway ng Barangay Oyungan Miag-ao, Iloilo.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng tricycle na minamaneho ni Bien patungo ng San Joaquin.

Pagdating sa nasabing lugar bigla na lamang nawalan ng kontrol sa manibela si Tactica kaya nahagip nito ang mga biktima at nagtamo ng mga sugat sa katawan.

Nagawa pang isugod sa ospital ang mga biktima subalit nalagutan na rin ng hininga sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa kanilang mga ulo at katawan.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente at inihahanda na rin ang kasong isasampa laban kay Tactica. Mary Anne Sapico