2 guro ginahasa ng kawatan sa loob ng paaralan

2 guro ginahasa ng kawatan sa loob ng paaralan

August 11, 2022 @ 3:44 PM 2 months ago


CAMARINES SUR- Tugis ng mga awtoridad ang isang kawatan matapos umanong gahasain at nakawan ang dalawa sa apat na guro sa loob ng paaralan noong Lunes sa bayan ng Ocampo.

Ayon kay PMaj. Reynaldo Balindan, hepe ng Ocampo Municipal Police Station, dakong alas-12:30 ng tanghali naganap ang insidente sa loob ng isang pampublikong paaralan sa nasabing bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sinamantala ng suspek ang kasagsagan ng malakas na ulan ng pasukin ang mga biktima na pawang mga hindi pinangalanan sa loob ng paaralan.

Nagpanggap umano ang suspek na mag-enroll hanggang sa magdeklara ito ng holdap at tinangay ang cellphone ng mga biktima at P200.

Hindi pa umano nakuntento ang suspek at dinala pa niya sa comfort room ang dalawang guro na dalaga at duon pinagsamantalahan saka tumakas.

Hindi agad makahingi ng tulong ang mga biktima dahil nasa liblib na lugar ang paaralan.

Isinailalim naman sa medical examination at trauma debriefing ang mga biktima.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.

Kaugnay nito, ipinaubaya na rin ni DepEd Bicol regional director Gilbert Sadsad sa mga awtoridad ang nasabing insidente at pinasisiyasat na rin niya ang mga kinuhang contractual employees at ang mga kuha sa CCTV footage. Mary Anne Sapico