Makati City – Dalawang Japanese nationals ang arestado makaraang mahulihan ang mga ito ng 10 pirasong pekeng $100 bills at tinangka pa umanong suhulan ang mga pulis ng halagang P50,000.00 kamakalawa ng hapon sa Makati City.
Kinilala ng Makati City Police ang dalawang arestadong Hapones na sina Yoshitaka Yamamoto, 48, at Noa Shimegi, 27, pansamantalang nanunuluyan sa Unit 210 Hop-In Hotel, Makati Avenue, Makati City.
Base sa ulat na natanggap ni Makati City police chief Sr. Supt. Rogelio Simon, naganap ang pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-3:00 ng hapon sa Emelda Money Changer na matatagpuan sa panulukan ng Kalayaan Avenue at Mariano St., Brgy. Poblacio ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa imbestigasyon ni General Assignment Section (GAS) investigator SPO3 Alejandro Devalid, nsagtungo ang mga suspek sa naturang money changer kung saan nagpapalit sila ng sampung pirasong $100 bills sa kaherang si Amalia Yamat.
Nang suriin ni Yamat ang naturang dollar bills ay natuklasan nitong peke ang naturang pera kung kayat agad itong itinawag sa pulisya.
Mabilis na rumisponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 6 na nakakasakop sa lugar upang tumugon sa reklamo ni Yamat.
Nang aarestuhin na ng mga awtoridad ang mga suspek ay naglabas ng halagang P50,000.00 si Yamamoto para suhulan ang mga ito na hindi pinatulan ng mga pulis na nagresulta ng kanilang pagkakaresto.
Ayon sa salaysay ng mga suspek, isang lalaki na mukhang Asian ang nangailangan ng kanilang perang Yen na katumbas ng $1,000.
Dagdag pa ng mga suspek, mukhang matino naman daw ang lumapit sa kanilang lalaki kung kayat pinagbigyan na nila ito na lignid sa kanilang kaalaman ay peke pala ang perang dollar bills na ibinigay sa kanila.
Nakumpiska sa mga suspek ang mga pekeng dollar bills, P50,000.00 na pinansuhol sa mga pulis, 8 pirasong ATM at credit cards, 4 na cellular phones, 3 pirasong 10,000.00 yen, 13 pirasong P1,000 peso bills, ibat-iba pang denominasyon ng peso bills, 2 Japanese passport, 2 passbook, 1 organizer, relo at kuwintas.
Si Shimegi ay nahaharap ng paglabag sa kasong Article 168 ng Revised Penal Code (Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and Other Instrument of Credit) samantalang si Yamamoto naman ay sinampahan ng kasong paglabag sa Article 212 (Corruption of Public Officials).
Ang insidente ng pagkakaresto sa mga suspek ay ipinagbigay alam na din ng pulisya sa embahada ng Japan. (James I. Catapusan)