2 helikopter ng Ukraine umatake sa Russia, oil depot lumiyab!

2 helikopter ng Ukraine umatake sa Russia, oil depot lumiyab!

April 1, 2022 @ 6:25 PM 3 months ago


MOSCOW – Sinabi ng Russian military na lumiyab ang isang oil depot sa loob ng teritoryo ng Russia makaraang atakehin ito ng dalawang helikopter mula sa Ukraine sa dilim ng gabi.

Matatagpuan ang oil depot sa Belgorod na 40 kilometro lamang ang layo sa hangganan ng Ukraine at Russia at katapat ng Lungsod ng Kharkiv na bahagi ng Ukraine.

Sinabi ni Governor Vyacheslav Gladkov na gumamit ang mga helikopter ng rocket sa pag-atake at lumipad ang mga helikopter nang napakababa upang hindi ito madaling makita at maramdaman ng mga pwersa ng Russia.

Sinabi ni Gladkov na wala namang namatay sa sunog na naganap sa walong fuel tank na natamaan na agad namang nirespondehan ng 200 bumbero at ito ang kauna-unahang pangyayari na umatake sa loob ng Russia ang Ukraine.

Napag-alaman na ang taktikang ito ng Ukrainian military gamit ang Mi-24 o Hind helicopter ay ginagamit ng Ukraine sa giyera sa Donbas region na hawak ng mga rebeldeng suportado ng Russia. RNT