2 HENERAL SA TONELADANG SHABU AT SI PAENG

2 HENERAL SA TONELADANG SHABU AT SI PAENG

October 27, 2022 @ 5:44 PM 1 month ago


TOTOO kayang may dalawang heneral na sangkot sa nasakoteng halos isang toneladang shabu nitong unang bahagi ng buwang ito sa Sta. Cruz, Manila?

Sana naman hindi totoo ito.

Pero kung totoo man, naririyan ang buong tiwala natin sa pamunuan ng Philippine National Police sa ilalim ni PNP chief General Rodolfo Azurin Jr. na aaksyon nang nararapat upang hindi madungisan ang dangal ng kapulisan.

Pero ang pinakamaganda na dapat gawin diyan, bigyan ang mga heneral ng pagkakataon na ipagtanggol ang kanilang mga sarili sa oras ng imbestigasyon at hindi paghariin ang mga marites.

Wala namang lihim na ‘di nabubunyag o kaya’y nananaig lagi ang katotohanan laban sa kasinungalingan gaano man katindi ang kasinungalingan na may halong paninira.

Sabi nga nila, “You cannot put a good man down!”

Hindi porke kaibigan ng mga pulis na nasasangkot sa nasabing kontrabando ang mga heneral, eh, kasabwat na sila sa krimen.

Sa gobyerno, may mga pulis na nakatalaga sa mga opisyal bilang ligal na escort pero hindi nangangahulugan na kung may kaaliwaswasan ang escort, eh, sangkot o kasabwat na rin ang opisyal.

42 KILO KINATKONG

Ibang usapan naman ang nakitang pagbabawas ng 42 kilo mula sa nasa 990 kilong shabu.

Sa kuha ng CCTV sa lugar bago at pagkatapos ng operasyon ng Philippine Drug Enforcement Group, may pulis na nagkarga ng dalawang bag na pinaniniwalaang shabu at ikinarga sa isang sasakyan na pag-aari umano ng isang ahente ng PDEG.

Anak ng tokwa, nang imbestigahan ang mga ito, sinabi na lang umano ng mga ito na iiwanan na lang nila malapit sa Camp Crame ang mga bag at doon nakitang 42 kilong shabu nga ang ipinuslit palabas mula sa opisina ng lending company ng naarestong sarhento kaugnay ng malaking bulto ng droga.

Kung bakit naman hindi nasasakote lahat ang mga ninja cop na ugaling magbawas ng kanilang mga huli para lang pagkakwartahan.

Sabagay, marami ang nasisilaw sa kinang ng salapi na kapalit ng shabu, gaya ng P286 milyong pinagbentahan sana na 42 kilo.

Para sa mga ninja cop, ‘di bale nang magkandahetot-hetot ang buhay ng mga pinagbebentahan nila basta sila kumita.

‘Di bale nang gumawa ng krimen gaya ng rape, hold-up, carnapping, pagpatay at maging sinto-sinto hanggang mamamatay ang mga nagiging adik sa shabu basta magkamal sila ng salapi.

Ito ang mga pulis na dapat ilagay sa kanilang kalagyan.

HUWAG HAMUNIN

Sa pagkakadiskubre ng nasabing napakalaking bulto ng droga, kitang-kita kung gaano kaseryoso ang pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos sa giyera sa droga.

Wala itong sinasanto.

Kahit sino binabakbak upang maligtas ang mga mamamayan sa masamang bunga ng droga.

Hindi lang naman kasi krimen at pagkakasakit at pagkamatay ng adik ang bunga ng droga kundi pagkawasak ng mga pamilya at katiwalian sa gobyerno.

Nararapat lang talaga na isabay ang giyera sa droga sa giyera sa kahirapan, kalamidad, korapsyon at iba pa para na rin sa ikabubuti ng buong bansa.