2 high value target, kasabwat timbog sa P.7M tobats

2 high value target, kasabwat timbog sa P.7M tobats

March 27, 2022 @ 2:45 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Swak sa rehas na bakal ang tatlong sangkot sa iligal na droga matapos itong madakip ng mga awtoridad kabilang ang dalawang high value individual (HVI) makaraang magsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa Caloocan City.

Kinilala ni District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District (NPD) Chief P/LT Col. Renato Castillo ang mga nadakip na suspek na sina Marlou Sidillo alyas “Along”, 29, (HVI), residente ng Road 5, Reyes Compound, Marulas, Valenzuela City; Resty Macalansag, 38, (HVI), naninirahan sa Marulas B., Brgy. 36 at Jasmin Tayao, 31 ng Libis Talisay, Brgy. 12, kapwa ng nasabing lungsod.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:30 ng madaling araw ng magsagawa ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District (NPD) ng buy-bust operation sa Tupda St. kanto ng Julian Felipe St., Brgy. 8 makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga ito hinggil sa iligal na aktibidades ng mga suspek.

Mabilis na nagsagawa ang mga operatiba ng DDEU nang surveillance sa Tupda St. kanto Julian Felipe St., Brgy. 8 at nang magpositibo ang natanggap nilang impormasyon ay agad na nagkasa ang mga ito buy-bust operation laban sa mga suspek.

Agad na inaresto ang mga suspek matapos na mabilhan ng isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer nang makabili ito ng P28,000 na halaga ng shabu sa mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang humigi’t-kumulang na 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000, marked money na isang genuine P1,000 peso bill at 27 pirasong P1,000 boodle money, isang cal. 25 pistol na kargado ng at dalawang bala, belt bag at holster.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act RA-9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. R.A Marquez