2 holdaper nadakip ng QCPD sa Maynila

2 holdaper nadakip ng QCPD sa Maynila

November 18, 2022 @ 3:26 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagawang madakip ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang holdaper matapos ang isinagawang follow up operation sa lungsod ng Maynila.

Kinilala ni QCPD Director, Police Brigadier General Nicolas D Torre III, ang mga naaresto na sina Mark Gil Concepcion, 32 anyos, Analdo Ebores, 42, kapwa residente ng Manila City.

Ayon kay Galas Police Station (PS 11) commander PLTCOL Richard Ian Ang, dakong 12:50 ng madaling araw nitong Huwebes, Nobyembre 17 nang holdapin ng mga suspek ang biktimang si Diem Garcia.

Lumalabas na hinihintay ni Garcia ang kanyang live-in partner sa Cordillera St. corner Bayani St. Brgy. San Isidro, Q.C.
nang dumating ang dalawa sakay ng motorsiklo at tinutukan siya ng baril at sapilitan na kinuha ang hawak nitong celphone saka tumakas patungong Maynila.

Nakita naman ng kinakasama ni Garcia na si Dennis Mariano ang nangyaring komosyon sanhi upang sundan nito ang mga suspek hanggang makarating sa bahay ni Concepcion at agad nitong ipinagbigay-alam sa Galas PS11.

Dahil dito, agad na ikinasa ang operasyon ng mga kapulisan na nagresulta upang madakip ang dalawang holdaper.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang caliber .38 na may laman na apat na bala, Honda Click motorcycle gayundin anv celphone ni Garcia.

Nakapiit na ang dalawa na nahaharap sa kasong Robbery at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

“Pinapaalalahanan ko po ang publiko na mag-doble ingat dahil sa panahon ngayon ay nagsusulputan na naman ang mga kawatan. Hinihikayat ko ang publiko na kaagad ipagbigay-alam sa kinauukulan ang mga ganitong insidente upang mabigyan ng agarang aksyon,” pahayag ni Torre. Jan Sinocruz