2 holdaper, utas sa shootout sa QC

2 holdaper, utas sa shootout sa QC

October 11, 2018 @ 6:08 PM 4 years ago


 

Quezon City – Utas ang dalawang riding-in-tandem na umano’y mga holdaper makaraang umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Brgy. San Antonio, Quezon City kagabi Oktubre 11, 2018 (Huwebes).

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Joselito Esquivel, Jr., inaalam pa nila ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek, na kapwa inilarawang nakasuot ng long sleeves, na ang isa ay kulay itim at ang isa naman ay pula.

Nabatid sa ulat ng Masambong Police Station 2 (PS-2), dakong alas-9:00 ng gabi nang maganap ang engkwentro sa West Riverside St. kanto ng San Jose St., Barangay San Antonio.

Sa salaysay ng complainant na si Marilyn Gonzales, 62 ng Malolos, Bulacan, naghihintay siya ng masasakyan pauwi sa kanilang tahanan sa naturang lugar nang bigla siyang hintuan ng mga suspek.

Bumaba umano ang back rider at tinutukan ng patalim ang biktima at saka nagdeklara ng holdap.

Nang matangay ang mahahalagang gamit ng biktima ay mabilis nang tumakas ang mga suspek patungo sa area ng Muñoz.

Nagkataon namang nagpapatrulya sa naturang lugar ang mga pulis at napansin ang biktima.

Nagawa naman umano ng biktima na maituro kung saan tumakas ang mga suspek kaya’t hinabol ang mga ito.

Nakorner ng mga pulis ang mga suspek ngunit sa halip na sumuko ay nanlaban ang mga ito, kaya’t napatay sa isang shootout.

Narekober ng mga awtoridad mula sa crime scene ang isang kalibre .38 revolver, isang kalibre .357 revolver, isang helmet na puti na may guhit na itim at isang unit ng motorsiklo na kulay asul at puti at walang plaka. (Santi Celario)