2 huli sa mahigit P600K ‘hot logs’

2 huli sa mahigit P600K ‘hot logs’

January 3, 2022 @ 2:33 PM 7 months ago


CARRANGLAN, Nueva Ecija – Nasakote ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at environment officers  ang dalawang lalaki na nagtangkang magpuslit umano ng 3,058.56 board feet ng illegally cut sawn lumber na nagkakahalaga ng P611,712 na lulan ng isang closed van sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Joson ng bayang ito, noong Linggo ng hapon.

Batay sa ulat, kinilala ang dalawang naarestong suspek na sina Jomer Deteques, 38, drayber; at Jayson Maniquiz, 36, pahinante, kapwa ng Batasan Bata, San Miguel, Bulacan.

Nabatid na pinara ng dalawang suspek ng sanib-puwersa ng Carranglan Municipal Police station, DENR-CENRO Muñoz City, kasama ang mga tauhan mula sa 2nd Provincial Mobile Force ng NEPPO, DENR-Nueva Vizcaya at Sta. Fe Police station ng Nueva Vizcaya PPO, bandang alas-1:30 noong Linggo ng hapon.

Nabatid na sakay ang dalawa ng kulay white and silver closed van, may plakang CCO6915 at galing umano sila ng norte at patungong katimugan nang harangain ng awtoridad.

Wala umanong naipakitang dokumento ang dalawang suspek at ngayo’y nakatakda silang sampahan ng kasong paglabag sa PD 705 o Revised Forestry Code, habang dinala ang mga kahoy sa opisina ng DENR sa Science City of Muñoz. Ver Sta Anna