2 isinelda sa pagnanakaw ng diesel sa Navotas

2 isinelda sa pagnanakaw ng diesel sa Navotas

February 27, 2023 @ 11:15 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Sa kulungan ang bagsak ng dalawang kelot matapos magnakaw ng diesel sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Art. 308 of RPC (Theft) ang mga suspek na kinilala bilang sina Raymond Alonzo, 28 ng Brgy. Bangkulasi at Jeffrey Alcansado, 30, helper ng Brgy. NBBS Dagat-Dagatan.

Sa report ni PSSg Levi Salazar kay Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, habang nasa loob ng kanilang bahay sa Blk-36, Lot-90, Ph-2, A-2, NBBS Dagat-Dagatan ang biktimang si Nida Mendoza, 40, negosyente dakong alas-7 ng gabi nang makaamoy siya ng diesel.

Lumabas ang biktima para tignan at nadiskubre niya ang tumatagas na diesel sa simento at nakita niya ang mga suspek na nagnanakaw ng diesel sa isang Mitsubishi L300.

Nang mapansin ni Alonzo ang presensiya ng biktima ay mabilis itong tumakas habang nagpasya namang sumuko si Alcansado.

Humingi ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng Sub-Station 4 ng Navotas police na agad namang nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakadakip kay Alonzo at narekober sa kanya ang isang gallon ng diesel na nasa P700 ang halaga at isang set ng tools na nasa loob asul na bag. Boysan Buenaventura