2 kelot aktong nag-aabutan ng shabu, bagsak sa selda sa Valenzuela

2 kelot aktong nag-aabutan ng shabu, bagsak sa selda sa Valenzuela

January 30, 2023 @ 3:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Swak sa selda ang dalawang hinihinalang drug personalities matapos maaktuhan ng mga pulis na nag-aabutan umano ng shabu sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police chief P/Col. Salvador Destura Jr ang mga naarestong suspek na sina Ferdinand Contreras, 38, residente ng C Raze St., Brgy. Lingunan at Eric Magtalas, 47 ng 7th St., Fortune 5, Brgy. Parada.

Base sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Destura na unang nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Joel Madregalejo ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong illegal drug activities sa F. Lazaro St., Brgy. Canumay West.

Dahil sa impormasyon na natanggap agad na nagtungo ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PSSg Gabby Migano ang nasabing lugar upang magsagawa ng validation nang maaktuhan ng mga ito si Contreras na may iniabot na isang plastic sachet ng shabu kay Magtalas na naging dahilan upang arestuhin nila ang mga suspek bandang alas-10:45 ng gabi.

Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang tatlong heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang 10 gramo ng hinihinalang shabu, P500 recovered money, cellphone at isang motorsiklo.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez