2 kelot huli nag-aabutan ng shabu, tiklo

2 kelot huli nag-aabutan ng shabu, tiklo

October 2, 2022 @ 4:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki matapos mahuli sa aktong nag-aabutan ng shabu habang arestado rin ang isang tulak ng iligal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City.

Nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police ang mga suspek na sina Roberto Jose Mendoza Jr., 30 at Renato Macaspac y Flores Jr., alyas “Bulondoy”, 21 kapwa residente ng Dulong Tangke St., Brgy. Malinta ng nasabing lungsod.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Valenzuela City Police, nakatanggap ng impormasyon ang tanggapan ng Station Drug Enforcement Unit hinggil sa iligal na aktibidades ng mga suspek kaya agad na pinagutos ni PLT Joel Madregalejo hepe ng SDEU na magsagawa ng validation surveillance sa nasabing lugar.

Sa puntong iyon, bandang alas-1:00 ng madaling araw pagdating ng mga operatiba sa nasabing lugar naaktuhan pa ng mga pulis na inaabutan ng iligal na droga ni Mendoza si Macaspac na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito.

Narekober sa mga suspek ang apat na transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na nasa 3 gramo at tinatayang nasa P20,400 pesos ang halaga, P250 pesos at VIVO na cellphone.

Samantala, dakong alas-3:30 ng umaga ng madakip ng ibang team ng SDEU ang suspek na kinilalang si Ronald Sevadera y Delos Reyes alyas “Bulalo”, 42, residente ng 1194 bitik St., Gen T. De Leon matapos ang isinagawang buy-bust operation laban sa suspek.

Sa imbestigasyon ng pulisya, isang undercover na pulis ang nagawang makipagtransaksyon at makabili sa suspek ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P8,500 pesos na naging dahilan upang dakpin ito.

Narekober ng mga pulis kay Sevadera ang anim na transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu na nasa 30 gramo at tinatayang nasa P204,000 standard drug price, isang genuine P500 pesos at walong P1,000 peso bill boodle money, OPPO cellphone at isang itim na coin purse.

Mahaharap ang mga naarestong suspek sa mga kasong section 5 and 11 under Article II of RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutors Office. R.A Marquez