2 kelot huli sa treasure hunting sa Callao cave

2 kelot huli sa treasure hunting sa Callao cave

February 17, 2022 @ 8:50 AM 4 months ago


CAGAYAN – Sa presinto ang diretsyo ng dalawang kalalakihang sumuot sa mga lagusan ng Callao cave para maghanap ng kayamanan o mag-treasure hunt.

Kinilala ang mga akusado na sina Felipe Maramag ng Barangay Tanza, 87 anyos; at Vicente Reyes, 39 anyos, kapwa ng Namabbalan Sur, Tuguegarao City.

Nahuli sila sa aktong pagbubungkal sa Bat Cave sa kahabaan ng Callao Caves.

Sinabi ni Teddy Babaran, isa sa kawani ng Cagayan Tourism office na nakatalaga sa Callao Eco-niche and Conservation Park, isang report ang kanilang natanggap mula kay Amado Domingo, ang President ng Callao Banca Association na may nagaganap na treasure hunting sa nasabing lugar.

Agad na binisita ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na naka-base sa lugar ang kweba at dito ba tumambad ang mga gamit ng dalawa sa treasure hunting.

Bumungad sa mga ito ang dalawang indibidwal na may mga gamit tulad ng detector at showel na siyang ginagamit upang maghukay sa lugar.

Sa pagsisiyasat, sinabi ng dalawa na madaling araw sila pumupunta sa kweba at isang bangkero umano ang naghahatid sa kanila rito.

Mariing ipinagbabawal ang treasure hunting lalo sa Callao Caves, na isang protected area.

Ang Callao Caves ay isang Important Cultural Property ng bansa.

Dito din natagpuan ang Homo luzonensis, ang isa sa pinakabagong diskubre na pinakamatandang lahi ng tao may edad 50,000 hanggang 67,000 taon. RNT