2 kelot tiklo sa pekeng sigarilyo sa Nueva Ecija

2 kelot tiklo sa pekeng sigarilyo sa Nueva Ecija

March 15, 2023 @ 3:54 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kulungan ang hantungan ng dalawang lalake makaraang mahuli ng mga operatiba ng kapulisan na nagbebenta ng mga pekeng sigarilyo sa Barangay Villarosa, Licab, Nueva Ecija nitong Martes, Marso 14.

Sa ulat ni P/Major Rey Ian DR Agliam, hepe ng Licab police station, kay Nueva Ecija director, P/Col. Richard Caballero, ganap na 4:30 ng hapon nang ikasa ng pinagsanib na operatiba ng Licab Police Station at ilang personnel mula sa Provincial Intelligence Unit (PIU); Nueva Ecija Police Provincial Office(NEPPO) at Police Regional Office 3 (PRO3), ang isang buy-bust operation, sa paglabag ng Republic Act (RA) 9211 (Tobacco Regulation Act of 2003).

Ang RA 9211 ay isang omnibus law na kumokontrol sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, advertising sa tabako, promotion at sponsorship, at mga paghihigpit sa pagbebenta, bukod sa iba pang mga kinakailangan.

Kinilala ang nasakoteng mga suspek na sina Aries Lazaro y Sosa, 46, binata, residente ng Brgy. Maestrang Kikay, Talavera, Nueva Ecija, at Leonardo Hamo y Andaya, 44, may asawa, helper at residente ng Brgy. Zamora, Santa Rosa, Nueva Ecija.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang malalaking kahon na naglalaman ng sigarilyong Two Moon; (1) piraso ng authentic Php 1,000.00 at siyam (9) na piraso ng 1,000 peso bill boodle money.

Mahaharap naman sa kasong kriminal o paglabag sa RA 9211 (Tobacco Regulation Act of 2003) ang mga suspek. Elsa Navallo