2 kelot, timbog sa P150K na pekeng pera

2 kelot, timbog sa P150K na pekeng pera

March 14, 2019 @ 6:57 PM 3 years ago


Pasay/Las Pinas – Timbog sa P148,000 halaga ng pekeng pera ang dalawang suspek kabilang ang isang Chinese national na naaresto sa magkahiwalay na opearsyon sa lungsod ng Pasay at Las Pinas.

Kinilala ng pulisya ang mga arestadong suspek na sina Nurhan Nur, 25, ng Poblacion 7, Cotabato City; at Qijun Wang, Chinese translator, 55, ng Caloocan City.

Base sa report na natanggap ni Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Eliseo Cruz, unang nasakote ng Pasay City police ang suspek na si Nur dakong alas 4:15 ng hapon kahapon sa loob ng Grand Courier Terminal, Brgy. 152, Zone 16, EDSA, Pasay City.

Ayon sa cahsier ng naturang terminal, bumili ng tiket ang suspek patungong Davao at iniabot sa kanya ang P48,500 na pambayad sa tiket.

Sa pagsusuri ni Catienza ay natuklasan nitong peke ang mga perang iniabot sa kanya ni Nur at agad na tumawag sa himpilan ng pulisya na naging dahilan ng pagkakaaresto ng suspek.

Sa pagsisiyasat ng mga rumespondeng pulis ay nakakumpiska ang mga ito kay Nur ng iba’t-ibang denominasyon na perang papel.

Sa Las Piñas City naman, si Wang ay inaresto ng pulisya dakong alas-7:30 kahapon ng gabi nang magbayad ito sa kanyang kinain ng pekeng pera sa loob ng Food City sa Brgy. Almanza 1 ng naturang siyudad.

Ayon kay Wang, ang nakuhang pera sa kanya na nagkakahalaga ng P100,000 ay ipinasuweldo lamang sa kanya ng kanyang employer. 

Si Wang ay kasalukuyang naakapiit sa Las Pinas City police detention cell samantalang si Nur ay pansamantalang ikinulong sa detention facility ng Pasay City police na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o Illegal Possession and Use of False Treasury and Bank Notes. (James I. Catapusan)