2 kelot timbog sa P190K shabu

2 kelot timbog sa P190K shabu

March 12, 2023 @ 9:52 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nasamsam ng pulisya ang halos P.2 milyon halaga ng shabu sa dalawang hinihinalang tulak ng iligal na droga matapos na maaresto sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang naarestong mga suspek na sina Jumari Pandan alyas “Juper”, 24, factory worker, ng C. Cabral St., Brgy. Maysan at Guillermo Herrera Jr, alyas “Karu”, 46, driver ng 21 Bayabas St. Antonio Subd., Brgy. Dalandanan.

 

Ayon sa report, bandang alas-2:00 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PCPT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa Sta. Monica St., Plastic City, Brgy. Veinte Reales matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta umano ng shabu si Pandan.

Matapos tanggapin ang P300 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng umano’y shabu ay agad dinamba ng mga operatiba si Pandan, kasama ang kanyang kasabwat na si Herrera.

Nakumpiska sa mga suspek ang walong heat sealed transparent plastic sachet, kabilang ang (object of sale) na naglalaman ng nasa 28 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P190,400, buy bust money, P300 seized money, cellphone at coin purse.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez