2 kelot timbog sa sukbit na paltik

2 kelot timbog sa sukbit na paltik

December 13, 2021 @ 7:22 AM 10 months ago


ILOCOS SUR-Swak sa kulungan ang dalawang lalaki matapos silang arestuhin ng mga otoridad dahil sa mga dala nilang baril habang nakikipag-inuman sa Brgy. Pussuac, Sto. Domingo ng lalawigang ito kahapon, December 12.

Kinilala ng Sto. Domingo Police ang mga naaresto na sina Constantino Tababa y Lazo, 47, may asawa, magsasaka, residente ng naturang lugar at Jomar Burgos y Guevarra, 44, walang asawa, mekaniko, residente ng Brgy. Poblacion, Sto. Domingo.

Nabatid na rumesponde ang mga miyembro ng Sto. Domingo Police Station sa Brgy. Pussuac matapos silang makatanggap ng report tungkol sa umano’y nagaganap na indiscriminate firing malapit sa ilog sa naturang lugar.

Pagdating ng mga pulis doon sa lugar ay nakita nila ang grupo ng mga lalaking nag-iinuman.

Nang mapansin ang mga paparating na pulis, agad na itinapon ni Burgos ang isang cal. 22 revolver samantalang isang cal. 5.56 single shot pistol naman ang mabilis na itinapon ni Tababa pero nakita sila ng mga otoridad.

Hindi na nakapalag ang dalawang suspek nang arestuhin sila ng mga otoridad.

Ang dalawang suspek ay nasa kustodiya ngayon ng Sto. Domingo MPS. Rolando S. Gamoso