2 KFR member arestado sa Las Pinas; 2 kasabwat, nakatakas

2 KFR member arestado sa Las Pinas; 2 kasabwat, nakatakas

October 9, 2018 @ 4:43 PM 4 years ago


 

Las Pinas City – Dalawang hinihinalang kasapi ng Kidnap-For-Ransom group ang naaresto habang nakatakas naman ang dalawa pang Chinese national na kasamahan ng mga ito sa police operation kaninang madaling araw sa Las Pinas City.

Kinilala ni Southern Police District (SPC) Acting Director, Sr. Supt. Eliseo Cruz ang mga dinakip na sina Giovanni De Villa, 35, at Romeo Matillano, 31, habang ang dalawa nilang kasamahan ay nakatakas.

Ayon kay Cruz, bandang ala-1:30 ng madaling araw kanina nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Las Pinas Police sa pamumuno ni Sr. Insp. Eleazar Camiling mula sa sumbong ng impormante kaugnay sa nangyayaring insidente ng pagdukot sa A. Jasmine St. DMS, Pamplona 3.

Agad namang nadakip ang dalawa habang nakatakas ang dalawang iba pa lulan ng Toyota Grandia na may plakang VQ-9169.

Sa follow up operation ng pulisya, natagpuan ang nasabing sasakyan na inabandona sa di kalayuan sa lugar kung saan naaresto ang dalawang suspek.

Pero nabigo naman ang pulisya na maaresto ang dalawa pang sina Xiao Su at Xiao Hai, kapwa Chinese nationals.

Ayon kay Cruz, nailigtas din sa operasyon ang sinasabing biktima ng grupo na sina Ma Lie, 30 at Xu Gou Cong, 28, kapwa residente Pamplona 3.

Narekober ng pulisya mula sa mga nadakip na suspek ang isang Armscor caliber .45 pistol na may magazine at Rock Island Cal. 45 pistol na may magazine. Beth Dominguez